-- Advertisements --

Ikinatwiran ng beteranong abogado na si Atty. Romulo Macalintal na dapat ng palayain mula sa kustodiya ng anumang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas si Mary Jane Veloso na tinurn-over sa Pilipinas kamakailan matapos ang mahigit 14 na taong pagkakakulong sa Indonesia makaraang mahatulan ng kamatayan may kaugnayan sa ilegal na droga.

Ipinunto din ni Macalintal na ang drug trafficking charges na inihatol laban kay Veloso sa Jakarta ay hindi applicable dito sa bansa.

Aniya, anumang benepisyo na ibibigay ng gobyerno ng PH kay Veloso ay alinsunod sa transfer agreement nito sa gobyerno ng Indonesia partikular na para sa pag-facilitate ng matagumpay na reintegration o pagbabalik sa lipunan ng isang sinentensiyahang indibidwal.

Subalit, habang hindi pa aniya ginagawa ng Pangulo ang naturang hakbang, dapat na palayain si Veloso dahil wala naman itong kinakaharap na anumang kaso sa bansa at wala ring warrant of arrest na inisyu laban sa kaniya mula sa anumang korte sa Pilipinas.

Binanggit din ni Atty. Macalintal ang 2010 Department of Justice Circular No. 90 partikular ang isang probisyon sa circular, Section 18 na nagsasaad na tanging ang estado na naggawad ng sentensiya, alinsunod sa konstitusyon nito at mga batas, ang maaaring maggawad ng pardon, amnestiya o commutation ng sentensiya. Subalit maaaring humiling ang administering state mula sa sentencing state para sa paggawad ng pardon, amnestiya o commutation ng sentensiya sa pamamagitan ng pagsusumite ng aplikasyon nang may sapat na basehan.

Iginiit pa ni Macalintal na sa pamamagitan ng virtue ng naturang agreement, ginawaran ng Indonesian government ang request ng gobyerno ng PH para sa kalayaan ni Veloso at ibinalik siya dito sa bansa.

Ipinaliwanag pa nito na ngayong ipinaubaya na ng Indonesian government sa gobyerno ng PH ang gagawin na sa tingin nito ay makakabuti para kay Veloso, hindi aniya maaaring gamitin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang pardoning power sa ilalim ng Konstitusyon dahil ang naturang kapangyarihan ay maaari lamang i-apply sa mga criminal na convicted sa ilalim ng batas ng PH at wala man aniyang hurisdiksiyon ang ating bansa sa mga krimeng nagawa ng isang Pilipino sa ibang bansa.

Ginawa ng abogado ang pahayag sa gitna ng mga panawagan para sa clemency ni Veloso. Subalit ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pag-aaralan pa ang posibleng clemency para kay Veloso.