-- Advertisements --

Plano ng Bureau of Corrections na kausapin si Mary Jane Veloso upang magturo ng Batik weaving sa loob ng kulungan.

Maalalang natuto si Veloso sa Batik weaving sa loob ng mahigit isang dekada na pananatili niya sa kulungan sa Indonesia.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., plano nilang maturuan ang mga inmate sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City at magamit ito bilang isa sa kanilang mga livelihood program.

Ayon kay Catapang Jr., malaki ang potensyal ng Batik weaving para mapalakas ang livelihood ng mga inmate at magawa nilang kumita sa kabila ng pananatili nila sa loob ng kulungan.

Kung masisimulan ang Batik weaving, maidadagdag ito sa mga kasalukuyang livelihood project sa loob n CIW tulad ng baking , paper craft, painting, solar panel assembly, at beads-making.

Nitong nakalipas na buwan ay nailipat sa kostudiya ng Pilipinas si Veloso mula sa Indonesia kasunod na rin ng tuluyang pagkakasalba sa kaniya mula sa parusang kamatayan dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagpupuslit ng iligal na droga, bagay na una na ring itinanggi ng Pinay.

Taong 2015 noong kinansela ng Indonesian government ang nakatakda sanang execution ni Veloso.