-- Advertisements --

Naglabas na ng pahayag si Mary Jane Veloso, kasunod ng balitang mapapabalik na siya sa Pilipinas matapos ang mahigit isang dekadang pagkakakulong sa Indonesia dahil sa drug case.

Sa isang written statement ni Veloso na binasa ni prison warden Evi Loliancy, nakasaad dito ang kagalakan ng Pinay worker ngayon at mayroon na siyang pagkakataon na makabalik muli dito sa Pilipinas at makapiling ang kaniyang pamilya.

Nagpasalamat din si Veloso sa lahat ng mga indibidwal na ayon sa kaniya ay patuloy na nagsusumikap upang tuluyan siyang makabalik dito sa bansa.

Ang 39-anyos na si Veloso ay inaasahang makakabalik na ng tuluyan sa Pilipinas matapos ang pagpayag ng Indonesian government sa pagkakalipat niya sa isang kulungan dito sa bansa.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), patuloy nitong inaayos ang mga dokumento ng Pinay drug convict at target nilang makabalik na siya sa bansa bago ang pasko.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Dagupan sa pamilya ni Mary Jane, inihayag ng mga ito ang kagalakan sa tuluyan niyang pagbabalik dito sa Pilipinas, habang patuloy naman silang humihiling na gawaran din siya ng pardon.

Sinabi rin ng 14-anyos na anak ni Veloso na si Mark Darren Candelaria na nais na niyang makita ang kaniyang ina. Si Mark ay isang taon at apat na buwan pa lamang noong maaresto ang kaniyang ina sa bansang Indonesia.