Inilipat na si Mary Jane Veloso sa isang regular dorm ng Reception and Diagnostic Center (RDC) sa Correctional Institution for Women (CIW) matapos ang 5 araw na quarantine period.
Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), mananatili doon si Veloso sa loob ng 55 araw.
Base naman kay CIW acting superintendent Marjorie Ann Sanidad, makakasama ni Veloso doon ang nasa 30 bagong persons deprived of liberty (PDLs).
Sasailalim si Veloso sa mandatory orientation, diagnostics at classification.
Samantala, ipinag-utos na ni BuCor Director General Gregorio Catapang ang pagsalin ng mga rekord ni Veloso mula sa Indonesia.
Mahalaga aniya ang pagsasaling ito para sa ahensiya dahil magbibigay-daan ito sa kanila para ma-assess kung opisyal na kikilalanin ang mahigit 14 na taong pagkakakulong ni Veloso sa Indonesia bilang valid prison time sa ilalim ng kanilang hurisdiksiyon.
Matatandaan na umapela si Veloso at kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pangangalap ng signature campaign para ipanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggawad ng executive clemency para kay Mary Jane.
Subalit sa panig ng Pangulo, nauna na niyang sinabi na kaniyang ipinagkakatiwala ang pagpapasya sa posibleng clemency kay Veloso sa mga legal expert ng gobyerno.
Habang sa panig naman ng Indonesia kung saan mahigit isang dekadang nakulong si Veloso, sinabi nitong kanilang rerespetuhin ang anumang desisyon ng Pilipinas kabilang ang pagbibigay ng clemency kay Veloso.