Pinayagan na ng Korte Suprema ang convicted drug trafficker na si Mary Jane Veloso na tumestigo laban sa kaniyang recruiter.
Sa inilabas na resolution ng Special Third Division, kanilang ibinasura ang motion for reconsideration na inihain ng Public Attorney’s Office (PAO) na tumatayong abogado nina Ma. Cristina Sergio at Julius Lacanilao na mga recruiter ni Veloso.
Nanindigan ang korte sa kanilang inilabas na ruling noong Oktubre 2019 na nagsusulong na dapat tumestigo si Veloso laban sa kaniyang recruiters.
Lumabas sa resolusyon na nabigo umano ang PAO para itaguyod ang substantial argument na nagtitiyak sa reversal ng October 2019 ruling.
Kasalukuyang nakakulong kasi ngayon sa Indonesia si Mary Jane at ito ay nahaharap sa death penalty matapos na maaresto noong 2010 sa Yogyakarta airport na may dalang mahigit dalawang kilo ng heroin.
Nakatakda na sanang ipatupad ang parusang firing squad noong taong 2015 subalit nakagawa ng paraan ang gobyerno ng Pilipinas para ito ay pansamantalang mapigilan.
Magugunitang mariing iginiit ni Veloso na hindi niya alam na droga pala ang laman ng dala niyang maleta na ipinadala sa kanya ng kanyang mga recruiters.