-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Malaki ang posibilidad na magpapatupad ng mas mahigpit na quarantine measures sa susunod na buwan ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Butuan dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19. 

Inihayag ni Michiko de Jesus, tagapagsalita ng Butuan City government, na susunod ang Incident Management Team (IMT) sa mga rekomendasyon ng DOH-Caraga. 

Kung anuman aniya ang irerekomenda ng DOH ay kanila itong susundin upang matiyak na mapigilan ang posible pang pagtaas ng COVID-19 cases nitong lungsod. 

Kasama sa ginagawa ngayon ng city government ay hindi muna pagpapahintulot sa mga mass gatherings kasama na ang mga aktibidad ng iba’t ibang organisasyon na makokonsiderang mga super-spreader events.