CAGAYAN DE ORO CITY – Naniniwala si private prosecutor at Atty. Nena Santos na mas nalalagay umano sa peligro ang kanyang buhay matapos mahatulan ng guilty ang pamilya Ampatuan at mga kasamahan nito dahil sa Maguindanao massacre case.
Sinabi ni Atty. Santos na malaki ang posibilidad na maghihiganti ang pamilya ng mga Ampatuan at maging ang mga akusado na nasa labas pa rin ng piitan hanggang sa ngayon.
Sa kabila ng nararamdamang takot ay patuloy pa rin na matapang nilang babantayan ang kaso lalo na’t simula pa raw ito sa kanilang pagkamit ng hustisya sa kagimbal-gimbal na krimen na nangyari mahigit 10 taon na ang nakalipas.
Aniya, magiging leksyon din umano ang nangyari sa mga taong gumagamit ng pera at kapangyarihan upang hindi maalis sa pwesto na mayroong justice system sa bansa na handang humabol sa kanilang mga nagawang kasalanan.
“I feel I’m more endanger now than it was before,” ani Santos.
Una nang nahatulan ang mahigit sa 40 mga akusado at nasa 56 naman ang naabswelto.