Tiniyak ng Department of Health ang mas maayos at dekalidad na serbisyong pangkalusugan kasunod ng pagbisita at paglilibot ng mga opisyal nito sa Correctional Institution for Women o CIW sa Lungsod ng Mandaluyong.
Nanguna sa naturang pagbisita si Department of Health Officer in Charge Maria Rosario Vergeire kasama ang Metro Manila Regional Director na si Dr. Alellli Sudiacal, at Assistant Regional Director Pretchell Tolentino.
Present din sa paglilibot ang Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Director General for Operations na si Correction Technical/Supt. Dr. Ma. Lourdes Razon, Mandaluyong Vice Mayor Menchie Abalos, at City Health Officer Dr. Arnold Abalos.
Ayon kay Vergeire, mahalagang mabigyan ang mga Persons Deprived of Liberty na mga kababaihan ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan at mas maraming access sa mga medical services upang maging maayos ang kanilang physical at mental health.
Ang infirmary ng naturang bilangguan ay nagbibigay lamang ng mga serbisyong dental,medical at pangangalaga ng mga Pasyenteng may sakit sa TB at mayroong Cancer.
Kaugnay nito, ang Department of Health ay nagbigay ng dagdag na serbisyo kagaya ng HIV Testing,Dagdag na dental services, Covid -19 vaccination at vaginal at breast examination.
Ito ay alinsunod na rin sa pag-alala at pagdiriwang ng International Women’s Day ngayong araw.
Nangako rin ang Department of Health na magbibigay sa Correctional Institution for Women ng mas maraming gamot para sa may mga comorbidities at pasyente na may cancer at iba pang sakit.
Bukod dito magbibigay rin ang ahensya ng wheelchair, stretcher at iba pang espesyal na serbisyo katulad ng dialysis at mental health services.
Nakikipag-ugnayan naman ang Department of Health sa Department of Justice upang maaprubahan ang isinusulong na health assessment para sa mga Persons Deprived of Liberty patients na mga terminally ill o yung mga sakit na hindi na kayang gamutin.
Layunin nito na mabigyan ang bawat pasyente ng Philhealth upang ma avail nito ang 100% coverage sa mga serbisyong pangkalusugan.