Makakaranas ng manipis na suplay ng tubig ang iba’t-ibang mga lugar sa Metro Manila simula sa Hunyo 1, 2024.
Ito ang inihayag ni Department of Environment and Natural Resources Usec. Carlos David kasunod ng planong pagbabawas ng National Water Resources Board ng alokasyon ng tubig para sa Metro Manila sa susunod na buwan.
Kasunod na rin ito ng tuluyan nang pagbaba ng lebel na tubig sa Angat Dam nang mas mababa pa itinakdang minimum operating level nito na 180 meters.
Gayunpaman ay tiniyak pa rin ng opisyal na sa kabila nito ay wala pa rin mangyayaring water interruption sa rehiyon matapos na mag-commit ang dalawang water concessionaires na Maynilad Water Services Inc, at Manila Water na hahanap ang mga ito ng alternatibong resources upang tugunan ang mararanasang kakulangan sa supply ng tubig.
Matatandaan na ang Angat Dam ang nagsusuplay ng tubig sa halos 90% ng buong Metro Manila at iba pang karatig na lugar nito.
Kakaunting buhos ng ulan sa watershed nito kasabay ng matinding init ng panahon dala ng El Niño phenomenon ang itinuturong dahilan ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig dito dahilan kung bakit patuloy na inaabisuhan ang publiko na matipid sa pagkonsumo ng tubig.