Maagang nag-abiso ngayon ang Metropolitan Manila Development Authority sa publiko hinggil sa posibilidad ng pagbigat pa lalo ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada ng Kamaynilaan ngayong papalapit na ng papalapit ang holiday season.
Sa isang pahayag ay sinabi ni MMDA Chairman Don Artes, asahan na pagdoble ng bigat ng trapiko sa susunod na tatlong linggo.
Batay sa pagtataya ng ahensya, sa darating na Disyembre 8, 2023 ay inaasahang magsisimulang maranasan ang mas mabigat na trapiko nang dahil sa long weekend bilang pagdiriwang na rin ng Feast of the Immaculate Conception of Mary na itinakdang special non working day.
Bukod dito ay posibleng ring maranasan pa ang mabagal na usad ng trapiko sa darating na Disyembre 15 dahil naman sa mga inaasahang last minute Christmas shoppin kasabay ng payday weekend.
Habang sa darating na Disyembre 22 naman magsisimula ang pagdagsa ng mga biyaherong magsisiuwi sa kanilang mga probinsya para magdiwang ng Kapaskuhan kasama ang kanilang mga pamilya.
Dahil dito ay pinagbabaon ngayon ang isang sakong pasensya ang lahat ng mga motorista at pasahero na babaybayan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.