Tatapusin na ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang ikalawang buhos ng mga kaso laban sa Kabus Padatoon (KAPA), partikular na sa founder nito na si Joel Apolinario at iba pang opisyal ng grupo.
Ito ang sinabi ni SEC Chairman Emilio Benito Aquino sa exclusive interview ng Bombo Radyo, isang araw matapos namang maghain ng reklamo ang ilang miyembro ng KAPA laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Aquino, maaaring maisampa ng SEC ang criminal complaint sa loob ng susunod na dalawang linggo.
“I think it’s coming in a week or two,” wika ni Aquino.
Tumanggi muna ang opisyal na isapubliko ang magiging laman ng kaso, pero nauna na nitong sinabi na non-bailable charges ang magiging second wave laban sa binansagang pinakamalaking investment scam sa Pilipinas.
Samantala, kontento naman daw ang SEC sa pag-usad ng unang reklamo na idinulog sa Department of Justice (DoJ).
Umaasa si Aquino na maiaakyat sa korte ang usapin sa lalong madaling panahon.