-- Advertisements --

Nakatakdang maglabas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng isang memorandum circular (MC) na maglalatag ng mas mataas na administration fee at penalty sa mga telco.

Ito ay sa sandaling labagin ng mga telco ang ibat-ibang regulasyon ng bansa ukol sa telecommunications, katulad ng ownership limit.

Ang iba pang violations ay kinabibilangan ng mga sumusunod: operasyon nang walang valid authority and registration, late filing ng extension, late o hindi pagsusumite ng reportorial requirements, illegal possession, pagtatayo at operasyon ng radio transmitted, at iligal na paggamit ng frequency.

Sa ilalim din ng MC ay magkakaroon na ng taunang performance audits para sa mga telco, broadcast at radio services, para matiyak ang kalidad na serbisyo.

Tataasan ng NTC ang penalties para sa mga ibat-ibang paglabag ng P5,000 hanggang P2 million kada araw na paglabag. Ang dating minimum lamang ay P200 kada araw na paglabag.

Para sa ownership share limitation, ang penalty ay mula P150,000 hanggang P600,000 para sa micro business firm; mula P750,000 hanggang P3 million para sa small businesses ; P5 million hanggang P20 million para sa medium businesses; at P10 million hanggang P40 million para sa large enterprises.

Ayon sa NTC, marami pa ang mga salik na kinokonsidera para sa ilalabas na MC ngunit tiyak na magkakaroon ng ilan pang public consultation, depende sa pangangailangan para rito.