-- Advertisements --

STOCKHOLM, Sweden – Lumabas ngayon sa pag-aaral ng mga eksperto na mas mabilis ang extinction ng mga halaman kaysa sa mga hayop.

Ayon kay Dr. Aelys Humphreys ng Stockholm University, nasa 600 uri na ng plant species ang naglaho sa nakalipas na 250 taon.

Kung titingnan, mas mabilis umano ang pagkaubos ng mga ito kung ihahambing sa mga nawala nang uri ng hayop sa mundo.

Kahit pagsama-samahin pa raw ang bilang ng mga naglaho nang ibon, mammal at amphibian ay hindi pa rin matatapatan ang mabilis na extinction ng mga pananim.

Wika pa ni Humphreys, kayang mabanggit ang pangalan ng ilang naubos na uri ng hayop, ngunit walang gaanong nakakaalala kung anu-anong halaman ang nawala na sa ibabaw ng lupa.

Batay sa pag-aaral ng mga eksperto sa Royal Botanic Gardens, Kew at Stockholm University, lumalabas na 571 plant species na ang nawala sa loob ng kalahating century, habang 217 naman sa kategorya ng mga hayop. (BBC)