Inaasahang magiging mas mabilis na ang pag-proseso sa mga lisensya ng mga Filipino professionals sa tanggapan ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ito ay matapos isapinal ng NTC ang proyektong Online Processing System with Digital Payment System (OPS-DPS).
Sa pamamagitan ng bagong sistema kasi, may pagkakataon na ang mga users na makapagpasa ng mga requirements, makita ang resulta, at iba pang impormasyon, ukol sa kanilang mga lisensya.
Mas mabilis na ang nasabing paraan, kumpara sa dating pagpipila pa ng mga ito, para makita ang update sa kanilang inaaplyang lisensya.
Maliban sa lisensya ng mga Filipino professionals, maaari ring maproseso sa pamamagitan ng bagong sistema ang iba pang serbisyo ng NTC.
Kinabibilangan ito ng permit, certificate, authorization, at clearance para sa mga telecommunication at internet business owners.
Ayon sa NTC, ang bago nilang sistemang gagamitin simula ngayon ay bilang tugon na rin sa naunang panawagan ni PBBM sa kanyang SONA na madaliin na ang digitalization sa mga government Agencies.
Inaasahang sa buwan ng Oktubre ng kasalukuyang taon ay mailulunsad na sa buong bansa ang nasabing sistema.