BAGUIO CITY – Inirekomenda ng Department of Public Works and Highways – First Benguet District Engineering Office ang implementasyon ng partial opening ng historic Kennon Road ng mas mahabang panahon.
Ayon kay District Engineer Ireneo Gallato, kailangang samantalahin na ang magandang panahon kung saan pwede pang buksan ang nasabing kalsada.
Aniya, sa pamamagitan din ng mas mahabang pagbukas ng Kennon Road ay mababawasan naman ang mabigat na daloy ng trapiko sa Marcos Highway, lalo na ang mga sasakyang patungo ng Baguio City.
Nakasaad sa kanyang memorandum kay DPWH Undersecretary Rafael Yabut na kailangang mabuksan ang Kennon Road sa mga light vehicles, lalo na ang mga hindi lalagpas ng limang tonelada na tutungo ng Baguio.
Dinagdag niya na papanatilihin pa rin ang one-way going up traffic scheme dahil marami pa ang mga kasalukuyang inaayos sa ibat-ibang sections ng Kennon Road.
Sinabi pa niya na sa temporaryong pagbukas ng Kennon Road para sa mga light vehicles pataas ng Baguio noong February 14 ay napatunayan na malaki ang tulong nito sa pagbawas ng mabigat na daloy ng trapiko ng mga sasakyang sa Marcos Highway na patungo ng Baguio City.