-- Advertisements --
cropped James Jimenez Comelec Spokesperson

Malaki raw ang posibilidad na mas mahaba pa ang voter registration extension na ibibigay ng Commission on Elections (Comelec) kasunod na rin ng mga panawagang palawigin ng isang buwan ng registration.

Una rito, sinabi ng Comelec na isang linggo lamang ang kayang ibigay ng poll body na extension ng registration.

Pero sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez, posibleng madagdagan pa ito dahil na rin sa kahilingan ng dalawang kapulungan ng Kongreso maging ng mga gustong magparehistro.

Bukas, nakatakdang talakayin ng Comelec ang naturang isyu at kasunod nito ay maglalabas din ang komisyon ng pinal na desisyon pati na ang detalye ng hirit na pagpapalawig ng registration.

Kapag nagkaroon ng extension ng voter registration ay isasagawa na pagkatapos ng filing ng certificate of candidacy (CoC) na naka-schedule sa Oktubre 1 hanggang Oktubre 8.

Una rito, inaprubahan na ng Senado at House of Representatives sa kanilang hiwalay na session ang panukalang batas na nagpapalawig ng voters registration.

Ang Senate Bill 2408 at House Bil 10261 ay inaprubahan ng mga lahat ng mga senador at nakakuha ng 193-0 votes naman sa mababang kapulungan ng kongreso.

Ang panukalang batas ng senado ay nagpapalawig ng voters registration ng hanggang Oktubre 31 habang ang bersiyon ng mababang kapulungan ng kongreso ay nagpapalawig ng huling registration ay magiging epektibo 30 kapag naisabatas na ito.

Tinawag ni Speaker Lord Allan Velasco ang pagpasa ng panukalang batas bilang hakbang para maiwasan ang voter disenfranchisement.

Nauna ng sinabi ng Comelec na malabo nilang mapalawig ng isang buwan ang voters registration dahil masisira na nag kanilang calendar of activities.