-- Advertisements --
image 687

Naglabas ng abiso ang Maynilad sa mga residenteng maapektuhan ng mas mahabang water service interruption simula sa araw ng Sabado, Abril1.

Ginawa ng west zone concessionaire ang naturang anunsiyo bunsod ng bumababang antas ng tubig sa La Mesa Dam na nagsusuplay sa mga residente sa east zone ng Metro Manila.

Nangangahulugan aniya na mas kakaunti ang maipapamahaging suplay ng tubig ng Maynilad na magreresulta sa mas mahabang araw na service interruption.

Nauna ng nagpatupad ng daily water service interruptions ang kompaniya noong Marso 28 para mapreserba ang natitirang suplay sa Angat at Ipo dam sa gitna ng nakaambang El Nino Phenomenon.

Maglalabas naman ang Maynilad ng karagdagang updates sa mga susunod na araw kasabay ng pagtitiyak na gumagawa na ito ng paraan para masolusyunan ang kakulangan sa suplay ng tubig.

Kabilang dito ang pagpapatuloy ng pagkumpuni sa mga tumatagas na tubo at pagpapalit sa mga lumang tubo upang hindi nasasayang ang tubig.