
Mas hihigpitan pa ngayon ng Office for Transportation Security ang ipinatutupad nitong baggage inspection procedure sa mga paliparan sa bansa.
Ito ay kasunod ng insidente ng umano’y pagnanakaw ng isang screening personnel sa isang Chinese National kung saan nahuli mismo sa kuha ng cctv ang aktong paglunok nito sa USD300 bill na nawawalang pera ng nasabing dayuhan.
Dahil dito ay hindi na papahintulutan pa ang mga screening officer na magbaba ng kamay, at magpasok ng kamay sa bulsa sa kasagsagan ng kanilang pag i-inspeksyon, at pagkatapos ay dapat nitong ipakita ang kanilang palad.
Hindi na rin pahihintulutan ang mga screening officers na magbukas ng bag kung hindi kasama ang pasaherong nagma-may ari nito.
Kaugnay nito ay humiling rin ang naturang tanggapan sa Manila International Airport Authority na maglagay din ng security camera sa mga inspection areas.
Samantala, sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinagawa nitong imbestigasyon sa 4 sa 14 na personnel sa airport checkpoint na posibleng may kaugnayan din sa nasabing krimen.