Magpapatupad umano ng mga bago at mas mahigpit na mga restriksyon sa Iran upang mapigilan ang tumataas na bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa.
Ayon kay Iranian President Hassan Rouhani, ikinokonsidera ngayon ang panibagong mga paghihigpit at potensyal na mga multa para sa mga ahensya ng gobyerno, pribadong negosyo, at maging sa mga mamamayan.
“The first thing is, when someone feels or finds out that they are sick, they must not hide their sickness,” wika ni Rouhani.
“So if someone hides their illness, they are in violation [of the rules],” dagdag nito.
Paglalahad pa ni Rouhani, mahaharap sa parusa ang mga ahensya ng pamahalaan at mga private business na nag-aalok ng serbisyo sa publiko na walang suot na face mask.
Kung may government worker naman aniya na sumusuway sa health protocols, maaari silang masuspinde sa trabaho ng hanggang isang taon.
Maaari naman daw ipasara ang mga pribadong negosyo ng hanggang isang buwan kung mapatutunayang lalabag sa kaparehong patakaran.
“For now we are emphasizing on using masks, if they don’t use masks, they must get a penalty,” anang presidente.
Isasapinal daw ang saklaw ng ipapataw na penalty sa isang pulong sa darating na linggo.
Muli ring inihayag ni Rouhani na bawal na muna ang pagtawid sa katabing bansa na Iraq para makibahagi sa mga religious pilgrimage ngayong taon.
Kada taon kasi ay milyun-milyong mga Muslim ang nagtutungo sa Iraq upang gunitain ang mourning ceremonies.
Sa pinakahuling datos, nadagdagan ng 3,523 ang bilang ng mga bagong nagpositibo sa sakit, kaya umakyat pa ang kabuuang bilang sa 468,119. (Al Jazeera)