Magiging kakaiba ang filing ng cerfiticate of candidacy (CoC) para sa halalan sa susunod na taon kumpara sa mga nakaraang halalan kasunod nang pagpapalabas ng Commission on Elections (Comelec) ng panuntunan para maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa COVID-19 preventive measures, health and safety protocols na inilabas ng Comelec sa filing ng CoC para sa 2022 presidential elections na magsisimula sa Oktubre 1 hanggang 8, kailangan umanong masunod at mapanatili ang physical distancing na anim na talampakan o 1.8 meters.
Hindi rin papayagan ang mga nakasuot lamang ng cloth o valved masks maliban na lamang kung mayroon pang layer ng surgical mask na N95 o KN95.
Nakasaad din ditong dalawang escorts lamang kada kandidato ang papayagang makasama ng kandidato maliban sa mga tatakbong presidente, bise presidente at senators na puwedeng magdala nang hanggang tatlong escort.
Para sa mga party-list groups, ang kanilang mga Certificate of Nominations and Acceptance (CONA) ay puwedeng i-file ng kanilang Chair President o Secretary-General o kahit sinong otorisadong Representative ng party-list group, sectoral party, organization o Coalition.
Isang katao lamang ang puwedeng sumama sa kanila at hindi raw required ang presensiya ng representative nominees ng mga party-list groups.
Para naman sa independent candidate, PP o accredited citizen’s arm ay papayagan ang tig-isang watcher sa premises ng Receiving Office.
Para sa mga tatakbo sa pagka-presidente, vice president, senators, puwede silang magprisinta ng negatibong resulta ng RT-PCR test o antigen test na isinagawa sa loob ng 24 oras bago ang filing ng CoC.
Kailangan din umanong magprisinta ng negative result ng RT-PCR test o antigen test ang mga sumusunod:
1. Mga otorisadong representative ng mga maghahain ng CoC;
2. Chairperson, President, Secretary-General o authorized representative ng PP, sectoral party, organization o Coalition para sa party-list system;
3. Kasamahan ng mga aspirants at representative ng PP, sectoral party, organization o Coalition para sa party-list system kung meron man;
4. Personnel ng Commission na incharge sa pagtanggap ng mga CoCS/CONAS at Certificates of Nomination and Acceptance of Nomination;
5. Ang Organic Security Force personnel ng Commission; Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP);
6. At ang lahat ng media personnel na magko-cover sa event.
“If a stricter quarantine category is imposed in a geographical area, the filing of COC/CONA and Certificates of Nomination and Acceptance of Nomination shall be an essential activity, subject to the guidelines of the IATF-EID. In this case, the aspirant or the authorized representative of the aspirant shall be considered authorized person outside residence (APOR), provided that the aspirant shall not be allowed to be escorted by any other person during the filing of COC/CONA or Certificates of Nomination and Acceptance of Nomination,” base sa inilabas na guidelines ng Comelec.
Mayroon naman daw onsite antigen testing ang i-o-offer ang Comelec para sa mga kandidato, political party officials na magpa-file ng CoC.
Lahat naman ng mga papasok sa receiving office/venue ng filing ay kailangang i-sanitize muna ang kanilang mga kamay at kailangang dumaan sa foot bath.
Mayroon namang ipapakalat na COVID-19 Marshals na siyang magbabantay at sisita sa mga hindi susunod sa health at safety guidelines na inilabas ng Comelec.
Ang sino mang hindi susunod sa mga protocols ay agad namang palalabasin sa premises ng Comelec main office sa Intramuros, Manila.