-- Advertisements --

NAGA CITY – Patuloy ang pagpapatupad ng mas mahigpit na mga protocols ng lokal na pamahalaan ng Minalabac, Camarines Sur matapos na isailalim ito sa General Community Quarantine.

Kung maaalala, isa ang nasabing bayan sa mga lugar na isinailalim sa GCQ kaugnay naman ng ibinabang Executive Order mula sa pamahalaang panlalawigan ng Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Minalabac Mayor Chris Lizardo, sinabi nito na patuloy ang isinasawa nilang paghihigpit sa kanilang bayan.

Kung saan, nagsasagawa pa umano ito ng mga biglaang pagbisita sa mga barangay na nasasakupan nito upang matiyak na talagang sumusunod sa protocols ang kaniyang mga residente.

Naging kapansin-pansin naman umano ang pagdalang ng mga paggalaw ng mga tao, kung saan tanging ang mga Authorized Person Outside Residence (APOR) na lamang ang nakikita nila sa labas ng kanilang mga bahay.

Ayon pa sa alkalde, gusto rin umano sana nitong maisailalim sa rapid test araw-araw ang mga APOR sa kanilang bayan upang matiyak na wala itong dalang sakit pagpasok sa kanilang lugar.

Ngunit, inamin pa ng alkalde na sa ngayon ay wala na silang sapat na pondo para isagawa pa ang mga ito.

Ang nasabing hakbang umano’y para sa new normal na pamumuhay sa kabila ng COVID-19 pandemic.