-- Advertisements --

Planong ipatupad ngayon ng Department of Trade and Industry ang mas mahigpit na ‘monitoring’ sa mga presyo ng bigas na mabibili sa merkado. 

Paiigtingin umano ng naturang kagawaran ang pagbabantay sa mga produktong ito upang maipagpatuloy ang programa ng pamahalaan na magkaroon ng murang mabibiling bigas. 

Ibinahagi mismo ng kasalukuyang kalihim ng Department of Trade and Industry na si Secretary Maria Cristina Roque, isinusulong nila ang implementasyon ng pinaigting na pagmomonitor sa halaga ng mga pangunahing produkto. 

Kung saan, ipinagmalaki din ng naturang secretary ang kanilang malawak na kakayanan sa pagpapatupad nito dahil ani pa niya, mayroon silang mga regional at provincial directors na nakahandang makiisa sa plano ng kagawaran. 

Dahil dito, tiniyak ng kalihim na bibigyan nila ito ng prayoridad kahit pa na sinabi din nitong marami na umano silang binabantayang presyo ng iba’t ibang mga produkto. 

‘Actually ang DTI will strictly monitor and enforce the prices na binigay ng DA (Department of Agriculture) na dapat i-enforce sa mga bigas. So, since meron kaming mga regional directors, provincial directors in all the 18 regions in our country,’ ani Secretary Maria Cristina Roque ng Department of Trade and Industry (DTI).

Dagdag pa rito, sineguro naman ni Secretary Cristina Roque ang pakikipagtulungan ng kanilang kagawaran sa Department of Agriculture sa programa nitong murang bigas para sa publiko.