-- Advertisements --

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang adopted version ng Kamara sa pag-amyenda sa Republic Act 8484 o kilala bilang Access Devices Regulation Act of 1998.

Layunin ng House Bill 6710 na pabigatin pa ang parusa sa mga nasasangkot sa hacking ng bank system, paggamit ng skimming device sa ATM (automated teller machine) cards.

Sa nasabing panukala, maituturing nang economic sabotage ang pag-hack sa sistema ng bangko, skimming sa 50 ATM cards o higit pa o kaya ay pakikialam sa 50 accounts o higit pa.

Ang magiging parusa sa mga kahalintulad na gawain ay mapapatawan na ng habangbuhay na pagkakakulong at multang P1 million hanggang P5 million.

Maging ang sinuman na mahuhulihan ng 10 o higit na pekeng access devices na ginagamit sa iligal na gawain ay makukulong ng 12 hanggang 20 taon.

Pagmumultahin din ito ng P500,000 o doble ng halaga ng naapektuhang accounts.