Handa ang Department of Education (DepEd) sa mahigpit na pagpapatupad ng precautionary measures at kinakailangang health standards sakaling pahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng limited face-to-face classes.
Tugon ito ng kagawaran sa mungkahi ng ilang mga mambabatas at mga sektor na dapat ay payagan na ang limitadong face-to-face classes sa mga low-risk areas o mga lugar na walang naitatalang kaso ng COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones, tanging ang Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang makakapagpasya kung papahintulutan na nito ang limited face-to-face classes sa piling mga lugar.
“Our preparation for SY 2020-2021 is consistent with this directive as we gear up our learning delivery modalities towards distance learning nationwide. Our field units have been developing materials for modular, online, and TV- and radio-based instructions while our teachers and parents are being trained for this new normal in education,” wika ni Briones.
Giit ni Briones, ang face-to-face option ay posible lamang sa mga very low risk areas o mga liblib at malalayong lugar na walang history ng COVID infection.
Kung magbigay din ng go signal ang Pangulong Duterte, kinakailangan magkaroon ng proper risk assessment ang anumang uri ng face-to-face learning delivery at dapat din tiong tumalima sa umiiral na health protocols.
Dagdag nito, maaari rin daw na maghanap ng malalawak na mga espasyo sa komunidad na malapit sa eskwelahan para sa pagsasagawa ng klase para masunod ang physical distancing.
Dapat din aniyang masunod ng naturang mga paaralan ang mga programa na nagsusulong ng good hygiene at mental health resiliency.
Maliban dito, kailangan ding magtayo ng mga designated na isolation areas sa mga paaralan at tanggapan, habang ang mga estudyante, guro, at kawani na papasok sa school o office premises at dapat na nakasuot ng face mask.
Regular din umano dapat ang isasagawang disinfection sa naturang mga gusali.
“Though our preparations, and with the continuous collaboration with communities, our commitment to protect the health, safety and well-being of learners, teachers and personnel remains our topmost priority, with or without the greenlight for limited face-to-face classes,” ani Briones.