-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Kasunod ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Aklan, ipapatupad simula bukas, Hunyo 9 hanggang 23 ang mas mahigpit na quarantine rules.

Ito ay kaugnay ng isinagawang pulong ng Aklan Inter-Agency Task Force Against COVID-19 na pinangunahan ni Governor Florencio Miraflores.

Sa ipinalabas na Executive Order ng gobernador, muling maglalagay ng border checkpoints sa bawat bayan.

Kailangang ang mga biyahero ay kumpleto sa mga requirements, kung saan, pawang mga essential travelers lamang ang pinapayagang makalabas.

Bawal rin na makalabas ang mga 15-anyos pababa at 60-anyos pataas maliban kung sila ay mga essential workers o service provider.

Kailangang magpakita ang mga ito ng company ID at travel pass mula sa kani-kanilang mga local government units (LGUs).

Maliban sa istriktong pagpapatupad ng pinalawig na curfew hour simula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw ay magpapatupad din ng liquor ban.

Ang Aklan ay kasalukuyang nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Umaabot na sa 2,709 ang bilang ng COVID-19 cases sa Aklan.

Sa naturang bilang, 467 ang active cases habang 64 na ang namatay.