-- Advertisements --

Hindi kontento si Senate committee on public services chairperson Sen. Grace Poe sa mga inilahad na sagot ng MMDA at DOTR sa isyu ng provincial bus ban sa EDSA.

Ayon kay Poe, batid niyang kumikilos naman ang naturang mga ahensya ngunit mahirap panaligan ang mga commitment ng mga kinatawan lamang ng ahensya, habang wala sa hearing ang mismong mga pinuno ng mga ito.

Baka raw kasi bandang huli ay igiit ng mga kalihim na hindi naman sila ang nagbigay ng anumang pangako at mapunta sa alanganin ang anumang binabalangkas na solusyon sa problema sa trapiko.

Para kay Sen. Poe, bago pa man sana asikasuhin ng mga pinuno ng MMDA at DOTR ang lakad sa ibang bansa at anumang signing activity, unahin dapat ng mga ito ang suiranin sa trapiko.

“Nag-aattend naman siya…Bago pumunta sa ibang bansa, gawin muna ang pag-iimbita dun, ayusin muna natin ang ating sariling kalat sa ating bansa. Sa ating mga kalihim, maayos ang pag-iimbita sa inyo, ayaw nating abusuhin ang kapangyarihan ng Senado kung pupunta naman,” wika ng committee chairperson.

Samantala, nagbigay naman ng payo si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ilabas na lamang ang mga national government offices mula sa Metro Manila at magpatupad ng clearing operation, hindi lamang sa main roads kundi hanggang sa maliliit na kalsada sa NCR.