Nanindigan ang Marcos administration sa proactive stance nito o katayuan sa pagprotekta ng teritoryo at soberaniya ng ating bansa.
Kayat naglaan ng mas malaking defense budget sa 2024 para sa pagprotekta ng teritoryo at soberaniya ng Pilipinas.
Sa ilalim ng panukalang pambansang pondo na P5.768 trillion para sa susunod na taon, ayon kay House Speaker Martin Romualdez nasa P282.7 billion dito ang inilaan para sa defense budget.
Ang naturang defense allocation ay mas mataas aniya ng 21.6% kumpara sa P203.4 billion appropriation ngayong 2023.
Ginawa ng House leader ang naturang pahayag kasunod ng pagharang at pambobomba ng China Coast Guard sa resupply vessel ng Pilipinas sa Ayungin shoal na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
Saad pa ni Romualdez na ang alokasyong ito ay nagpapakita ng ating dedikasyon na mapanatili ang matatag at maasahang depensa at nagpapaabot ng malinaw na mensahe na hindi tayo magkokompromiso pagdating sa pagprotekta ng interes ng ating bansa.
Dapat aniyang tandaan na ang malakas na depensa ay hindi lamang kasangkapan para sa komprontasyon kundi isang paraan din ng pagpapanatili ng kapayapaan, stability at rule of law.
Nagpahayag din ng suporta si Romualdez sa diplomatic actions na ginagawa ng pamahalaan kaugnay sa water cannon incident noong Sabado na patuloy na igiit ang soberaniya ng Pilipinas at depensahan ang bawat pulgada ng ating teritoryo.