Mas malaki ang inaasahang bilang ng magpoprotesta sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong taon kumpara noong 2022 ayon sa progresibong grupo
Sinabi ni Bayan Secretary General Mong Palatino mas maraming tao ang galit at naliwanagan umano isang taon mula ng maupo bilang Pangulo si Marcos.
Ayon pa sa grupo, libu-libong indibidwal at 50 organisasyon ang makikiisa sa protesta hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Wala din aniyang atrasan ang kanilang isasagawang kilos-protesta umaraw man o umulan.
Aniya, sa umaga ng SONA sa Hulyo 24, magtitipun-tipon ang iba’t ibang grupo para magsagawa ng kanilang mga programa bago sila magsasama at magmamartsa patungo sa may Commonwealth-Tandang Sora area sa Quezon city para sa PEOPLE’S SONA program na magsisimula dakong 11:30am hanggang 1:30 pm.
Magsasagawa naman ng isang forum sa Quezon Memorial Circle ang isang labor group habang ang grupo naman ng mga guro ay magsasagawa ng zumba protest para ipanawagan ang taas sahod.
Magtitipon naman ang Sanlakas coalition sa harapan ng National Housing Authority Office habang ang Bayan Southern Tagalog chapter ay mananatili sa Philcoa area.
Pangunahing susuportahan naman ng isasagawang event ang panawagan ng sektor ng mga manggagawa para sa wage increase.