Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na mangangailangan umano sila ng mas malaking pondo sa darating na taon kasabay sa ginagawang adjustment ng kagawaran bunsod ng mga pagbabagong hatid ng coronavirus crisis.
Paliwanag ni DepEd USec. Jesus Mateo, inaasahan na nilang lalaki ang bilang ng kanilang mga kawani dahil sa pinaghahandaang transition patungo sa “new normal”.
“Sana po matulungan kami at masuportahan sa paglaki ng budget. Kasi po unang-una, hindi lang PS (personnel services) ang lalaki, kailangan magkaroon ng additional manpower hindi lang sa usapin ng guro pati ‘yung susuporta sa guro [IT personnel] kasi mag-iiba talaga ang ating sitwasyon eh,” wika ni Mateo.
“Lalaki rin po ‘yung communication expenses, sa katunayan nga po ngayong enrollment na isinasagawa natin, ‘yung mga teacher po nagtatawag sa mga kanilang dating estudyante—regular phone, cellphone, o kaya nag-e-email. Siyempre may mga internet expenses po iyan,” dagdag nito.
Sinabi pa ng opisyal, dapat ding maging parte ng new normal ang pangangalaga sa mental health ng mga guro at mag-aaral.
“We have to ensure yung mental health condition ng ating mga tao po. Kaya nararapat po na kailangan pa rin mag-increase ng manpower diyan o humanap ng mechanism to ensure that stable po mentally, spiritually, physically tayong lahat,” ani Mateo.
Dapat din aniyang bigyang prayoridad ang internet connectivity at electrification program ng ibang sangay ng gobyerno para matiyak ang pantay-pantay sa access sa blended forms ng edukasyon.
Sa Agosto 24 na itinakdang araw ng pagbubukas ng School Year 2020-2021, sisimulan ng DepEd ang pagpapatupad sa “blended forms” ng pag-aaral sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.