Ipinagdiinan ng Estados Unidos ang panawagan nito sa China na tigilan na ang mga agresibong aksyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay U.S. Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson, nabubuo na ang mas malaking security alliance na ang pangunahing layunin ay igiit ang katatagan sa WPS at ang pagpapairal sa ‘rule of law’.
Nakahanda aniya ang alyansa ng mga bansa upang panindigan ang pag-iral ng batas sa Indo-Pacific Region.
Umaapela aniya ang Estados Unidos sa People’s Republic of China na tigilan na ang harassment na ginagawa laban sa mga barko ng Pilipinas na ligal na nag o-operate sa loob ng sarili nitong Exclusive Economic Zone.
Ang panawagang ito aniya ay suportado ng mga bansa na una nang nangako ng kanilang suporta sa matatag na Indo-Pacific Region.
Ayon pa sa top diplomat ng US sa Pilipinas, lalo pang lumalakas ang boses ng international community na komukundena sa ginagawang harassment ng China, kasabay ng pagdami ng mga bansang sumusuporta sa panawagan.
Ilan sa mga bansang una nang naghayag ng pagkundena sa mga ginagawang harassment ng China sa mga barko ng Pilipinas, ay ang Japan, Australia, US, at iba pa.