DAGUPAN CITY — Iresponsable.
Ito ang pagturing ng grupong Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) sa paglalabas agad ng Senado ng mga pangalan ng mga indibidwal na sangkot sa maanomalyang pagbili ng mga overpriced laptops ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamamagitan ng procurement Service ng Department of Budget and Management.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Randy Alde Alfon, Education and Research Chairperson ng naturang samahan, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas malalim pang imbestigasyon hinggil sa naturang usapin sapagkat naniniwala ang hanay ng mga guro na hindi ito pananagutan ng maliliit na kawani ng paaralan sapagkat ang pinag-uusapan na umano rito ay napakalaking bahagdan ng pondo ng Kagawaran ng Edukasyon.
Aniya na kung susuriing mabuti ang command responsibility o ang chain of responsibility pagdating sa pag-gugol ng pondo ng pamahalaan ay walang kakayahan ang isang ordinaryong opisyal na gamitin ang pondo ng Kagawaran, kayat naniniwala sila na mayroon pang mas malaking pangalan sa likod nito na may kakayahang kumumpas upang gugulin ang napakalaking pondo para sa mga overpriced laptops.
Dagdag pa ni Alfon na kinakailangang maramdaman ng mga guro ang mas malalim at sinsero na paggalaw ng mga kinauukulang opisyal sa pag-iimbestiga sa nangyaring pagbili ng overpriced laptops.
Kaugnay nito ay inihayag din ni Alfon ang pag-sangayon nila sa sintimyento ng Senate Blue Ribbon Committee na pagbuwag sa Procurement Service-Department of Budget and Management.
Aniya na habang mas lalong dumarami ang ahensya ng pamahalaan na nangangasiwa sa paghahawak ng pondo ay mas malaki ang nagiging pananagutan ng mga ito sa nangyayaring kurapsyon. Saad niya na kung tutuusin ay kinakailangang tanggalin ang maraming mga ahensya na talaga namang nagpapahirap at nagpapatagal sa proseso ng pagbibigay ng mga kailangan ng mga guro.
Ang malala pa rito, dagdag ni Alfon, ay nakaktanggap ng kanya-kanyang kickback ang bawat ahensya na dinadaanan ng mga inilalabas na pondo ng kagawaran kaya naman ito ay lumalaki at lalong lumulobo.
Binigyang-diin pa ni Alfon na nakakadismaya na sa lalong pagbagsak ng kalidad ng edukayon sa bansa ay hindi naman nakakasabay ang Pilipinas sa nagbabagong galaw at demand ng edukasyon dahil sa kakulangan ng maraming mga bagay na sana ay nakakatulong sa mga guro at pag-angat ng kaisipan ng mga mag-aaral.
Maliban dito ay iginiit din ni Alfon na hindi naman huminto ang grupong ASSERT sa pagsingil sa mga responsableng indibidwal sa pagbili ng overpriced laptops at nagpapatuloy din sila sa pagkalampag sa pamahalaan sa pagtugon dito. Saad pa nito na kung talagang nasusunod at naipatutupad ang kalidad na sistema ng pagbibigay hustisya sa bansa ay kagyat sanang natutugunan ang mga inihahahin na mga papel, reklamo, at resolusyon, subalit ang nangyayari lamang aniya ay tila nagiging suntok sa buwan ang hinihintay nilang pagtanggap ng gobyerno sa mga ito.