Nagsimula na ang mga kinauukulan na pagplanuhan ang ikakasang Balikatan Exercises 2025 sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr. kasunod ng pormal na pagtatapos ng ika-39 na iteration ng joint military Exercises 2024 sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa kalihim asahan sa susunod na taon na magiging mas malawak na ang “full battle simulation” ng gaganaping Balikatan Exercises ng militar.
Samantala, bukod dito ay inihayag din ni Sec. Teodoro asahan din ang mas maraming Multilateral at Maritime Cooperative activities na isasagawa ng Pilipinas kasama ang iba pa nating mga kaalyadong bansa na layon din na mas mapalakas ang kooperasyon at kaligtasan sa rehiyon.
Sinabi rin ng kalihim na hindi maaapektuhan ng anumang masamang hangarin ang kanilang layunin para sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific Region.
Kasabay ng pagbibigay-diin din na ang dangal, teritorial integrity at dignity ay ‘non-negotiable’ para sa bawat Pilipino.
Kaugnay nito ay sinabi rin ng kalihim na naging produktibo ang ikinasang bilateral at Multilateral cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, kasama na rin ang iba pa nating mga kaalyadong bansa tulad ng Australia, Japan, France, India, Canada, at iba pang bansang nagkakaisa ng paniniwala.