-- Advertisements --
cropped Sen Lito Lapid

Isinusulong ni Senador Lito Lapid na i-exempt sa 12 percent Value Added Tax at mas palawakin ang discount sa bill sa kuryente at tubig ng mga senior citizens. 

Sa ilalim ng Senate Bill Number 2169 sinabi ni Lapid na ipatutupad ang limang porsyentong diskwento ng mga senior citizen sa 150 Kilowatt Hours mula sa kasalukuyang 50 Kilowatt Hours sa konsumo sa kuryente. 

Samantala, ipapatupad naman ang limang porsyentong diskwento sa konsumo sa tubig sa unang  50 Cubic  Meters mula sa kasalukuyang 30 Cubic Meters.

Isinulong din ni Lapid na ilibre na sa 12 percent Value Added Tax ang konsumo sa tubig at kuryente kung nasa ilalim ng pangalan ng senior citizens ang bills.

Naniniwala si Lapid na malaking tulong na ito sa lolo’t lola na walang kita at kapos sa panggastos sa kanilang pagkain at mga gamot.

Paraan na rin anya ito ng pagpapasalamat ng lipunan sa mga senior citizen na malaki ang naiambag sa ekonomiya ng bansa noong kabataan nila.