Pinuri ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagsisikap ni Senate committee on public information chairperson Sen. Grace Poe na mapalakas ang Sotto Law o ang batas na nagbibigay ng proteksyon ng mga mamamahayag ukol sa kanilang source.
Ito’y makaraang maratipikahan na ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang nasabing batas.
Matatandaang ang Sotto Law ay inakda pa ng lolo ng kasalukuyang Senate president, 70 taon na ang nakakaraan.
Base sa version ni Sen. Poe, hindi na maaaring pilitin ang radio at TV personnel na ilahad ang kanilang source.
Maging ang iba pang accredited journalists, writers, reporters, contributors, opinion writers, editors, managers, producers, news directors, webmasters, cartoonists at iba pa ay sakop na rin nito.
Sa dating batas kasi ay tanging mga manunulat lamang sa dyaryo ang nabibigyan ng kompletong proteksyon.