Higit pang pagtulong ang ipagkakaloob ng Bombo Radyo Philippines sa isasagawang Bombo Medico 2017 ngayong araw, Hulyo 9.
Tulad ng taunang aktibidad, gagawin muli nang sabay-sabay sa mga pangunahing lugar sa buong bansa na mayroong Bombo Radyo at Star FM Stations ang Bombo Medico.
Layunin nitong mapagkalooban ng tulong medikal at dental ang mga kababayan natin na hindi makayanan ang mataas na halaga ng pagpapakonsulta sa mga doktor, hindi maabot na presyo ng mga gamot at iba pang serbisyong medical at dental.
Matapos ang matagumpay na Golden year anniversary ng Bombo Radyo Philippines noong nakaraang taon, pinalawak pa ang serbisyo at paglilingkod sa ating mga kapuspalad na kababayan.
Ang simultaneous nationwide medical at dental mission ay isa sa mga programang nabuo sa ilalim ng pangangasiwa ng chairman ng Bombo Radyo Philippines na si Dr. Rogelio M. Florete, para matulungan ang ating mahihirap na kapwa tao at bilang bahagi na rin ng corporate responsibility.
Ang isa pa sa mga proyekto ng Network na tuwing buwan ng Nobyembre isinasagawa ay ang Dugong Bombo. Ang bloodletting activity ay idinaraos din nang sabay-sabay sa mga Bombo Radyo at Star FM stations nationwide.
Muling makakasama sa pagbibigay serbisyo ng Bombo Medico 2017 para mag-alay ng kanilang libreng panahon at kasanayan ay ang mga doktors, dentists, pharmacists, nurses, nursing aids, volunteers, at iba pang mga grupo na aabot sa 3,000 individual hindi pa kasama riyan ang mga personnel ng Bombo Radyo at Star FM stations sa buong bansa.
Liban sa medical checkup, dental services, libreng gamot, ang iba pang serbisyo na ibabahagi bukas ay ang pamimigay ng reading glasses, wheelchairs, walkers, canes, dentures, masahe, gupit, at iba pa,
Samantala, kaagapay ng Bombo Radyo at Star FM sa Bombo Medico 2017 ay ang Generika, Fern C, Skelan, Alaxan, Enervon, Athena, Crave Chips at Absolute Bottled Water.
Ang mga lugar naman kung saan gaganapin ang Bombo Medico 2017 ay kinabibilangan ng lungsod ng Maynila, Tuguegarao, Cauayan, Laoag, Vigan, La Union, Dagupan, Baguio, Naga, Legazpi, Bacolod, Iloilo, Roxas, Kalibo, Cebu, Tacloban, Davao, General Santos, Butuan, Koronadal, Cotabato, Dipolog, Cagayan de Oro at Zamboanga City.