Ipinag-utos ng liderato ng Land Transportation Office (LTO) sa lahat ng mga regional director nito sa buong bansa na palawakin pa ang pagsasagawa ng road safety seminar sa mga tricycle driver.
Ito ay kasabay ng naging atas ni LTO Chief Vigor Mendoza II na pagbuo ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) Learning Centers. Ang mga ito ay itatayo sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Mendoza II, kailangang sumailalim sa malalimang road safety seminar ang mga tricycle driver upang matuto ang mga ito sa kanilang obligasyon at malaman ang mga akmang impormasyon ukol sa road safety.
Maliban dito, ipapakilala din aniya ang karapatan ng mga tsuper.
Kasabay nito ay pinapatiyak ng LTO chief sa mga regional director at mga chief ng mga district office nito, na maglatag ng maayos na koordinasyon sa mga LGU, lalo na at sila ang nagbibigay ng mga permit to operate sa mga tricycle driver.
Plano ng LTO na gawing regular ang seminar para sa mga tricycle drivers ukol sa road safety, lalo na sa mga driver na umaasa lamang sa pamamasada para matustusan ang kanilang pangangailangan.