-- Advertisements --

Lalo pang dumami ang mga lugar sa Luzon na nakakaranas ng mababang temperatura kasabay ng patuloy na pag-iral ng northeast monsoon o hanging Amihan.

Batay sa report ng state weather bureau, pitong lugar sa Northern Luzon ang nakaranas ng below 20°C kahapon, Jan. 10, 2025.

Naitala sa Baguio City ang pinakamababang temperatura na 14°C. Kasama ng Baguio City ang iba pang lugar sa buong Cordillera Administrative Region na nakakaranas ng mababang temperatura tulad ng mga bayan ng Atok, Tuba, at ibang lugar.

Kabilang din sa mga lugar na may mababang temperatura ay ang bayan ng Sinait, Ilocos Sur na nakaranas ng 17.4°C at Itbayat, Batanes na nagtala naman ng 17.7°C.

Umabot rin sa 18.4°C ang temperaturang nairehistro sa Casiguran, Aurora; 19.2°C sa Tanay, Rizal, 19.4°C sa Calayan, Cagayan, at 19.7°C sa bayan ng Abucay, Bataan

Para naman sa mga lugar na nakaranas ng 20°C na temperatura, kinabibilangan ito ng Baler, Aurora at Tuguegarao City, Cagayan. Isang lugar din sa Mindanao ang nagrehistro ng kahalintulad na temperatura at ito ay ang Malaybalay, Bukidnon.

Inaasahang magpapatuloy pa rin ang malamig na temperatura sa mga susunod na araw at linggo kasabay ng tuluy-tuloy na pag-iral ng Amihan.