GENERAL SANTOS CITY – Nilinaw ng Securities and Exchange Commission (SEC) kung bakit dapat ipapasara ang Kapa-Community Ministry International, Inc. (KAPA).
Una rito sa isinagawang press conference sa pangunguna ni SEC Chairman Emilio Aquino, inihayag nito na kung pababayaang magpatuloy ang katulad na investment scheme ay tiyak na mas marami pa ang magiging biktima ng KAPA lalong-lalo na ang mga overseas Filipino workers (OFWs).
Aniya, maaari rin umanong mahikayat ang iba pang mga grupo at religious groups na magpatayo ng katulad na scheme na umanoy hindi kayang maka-sustain ng matagal na panahon dahil sa malaking inaalok na interes nito na nasa 30% ang matatanggap bawat buwan.
Ayon pa kay Chairman Aquino, ito ang dahilan kung bakit ilang beses silang nagpalabas ng mga advisories, permanent cease and desist order at revocation ng registration kontra sa KAPA subalit ‘di kaila na sa kabila nito ay patuloy pa rin ng operasyon ng KAPA na labag sa batas.
Una rito, ni-revoke ng SEC ang certificate of incorporation ng KAPA.
Sa ngayon, iniutos na rin ng Court of Appeals (CA) na i-freeze ang ilang banks accounts at iba pang assets ng KAPA na pinamumunian ni Joel Apolinario.
Nabatid na hindi naabutan ng mga otoridad si Apolinario na sinasabing nasa Cebu ngayon nang pinasok ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay nito sa Brgy City Heights nitong lungsod kahapon.
Kasabay ito ng isinagawang synchronized na raid ng ahensya sa mga KAPA offices sa ilang bahagi ng bansa batay sa search warrant na inilabas ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 20 Judge Marivic Umali laban sa nasabing investment scam.
Kaugnay ito sa umano’y paglabag ng KAPA sa Securities Regulation Code.