Aasahan na ang mas marami pang water interruptions matapos bawasan pa ng National Water Resources Board (NWRB) ang alokasyon nito sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System at sa kanilang concessionaires na Maynilad at Manila Water dahil sa pagsadsad na sa critical level ang ang imbak na tubig sa Angat Dam.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni NWRB Executive Director Sevillo David, binawasan nila ng 4 cubic meters kada segundo ang alokasyon sa tubig o mula sa 40 CMS sa 36 CMS na.
Ayon kay David, inaasahang magtatagal ang water interruptions hanggang Hulyo o hangga’t wala pang dumarating na mga pag-ulan para balik sa normal ang water level sa Angat Dam.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni David na sapat pa ang supply ng tubig hanggang Hulyo at kanila itong pinangangasiwaan sa pamamagitan ng pagbabawas ng water allocation.
Kaya muling nagpaalala si David sa mga consumers na magtipid sa tubig at ipunin ng mabuti ang mga tubig na makokolekta mula sa mga manaka-nakang pag-ulan sa Metro Manila.