-- Advertisements --

Naglabas ng samu’t saring reaksiyon ang world leaders at international aid agencies sa kasunduan para sa ceasefire sa paagitan ng Israel at Hamas sa Gaza.

Sinabi ni Spain PM Pedro Sanchez na mahalaga ang ceasefire deal sa regional stability at kailangang hakbang sa pag-abot ng two-state solution. Pinasalamatan din niya ang Qatar, Egypt at US na siyang nagsilbing mediators para maisakatuparan ang tigil-putukan.

Ayon naman kay Belgium Prime Minister Alexander de Croo, nakahanda ang Belgium na tumulong at umaasang ito na ang simula ng tuluu-tuloy na kapayapaan.

Inihayag naman ni European Commission President Ursula von der Leyen na nagdadala ng pag-asa ang kasunduan paraa sa buong rehiyon at hinimok ang 2 panig para sa ganap na pagtalima sa ceasefire.

Tinawag naman ni Australian Prime Minister Anthony Albanese ang kasunduan bilang isang konstruktibo sa regional stability at umaasa siyang magbibigay ito sa mga mamamayan ng Palestine ng pagkakataon para muling makabangon, ayusin ang kanilang gobyerno at isulong ang self-determination.

Sa isang panayam naman, sinabi ni United Nation Secretary-General Antonio Guterres, handa ang UN na suportahan ang kasunduan at palawakin pa ang tuluy-tuloy na humanitarian relief sa mga Palestino na patuloy na naghihirap dahil sa pinsalang idinulot ng giyera.

Inihayag naman ni Turkish Foreign Minister Hakan Fidan na isang mahalagang hakbang ang ceasefire deal para sa regional stability. Bunsod nito, magpapatuloy aniya ang mga ginagawang pagsisikap ng Turjey para sa 2-state solution sa conflict sa pagitan ng Israel at Palestine.

Sa panig naman ng Qatar na isa sa mga mediator sa ceasefire deal, nanawagan si PM Sheikh Mohammed bin Abdulrahman Al Thani sa magkabilang panig sa katiwasayan sa Gaza strip mula ngayon hanggang sa maging tuluyang maging epektibo na ang kasunduan sa linggo.

Binigyang diin naman ni Egyptian President Abdel Fattah el-Sisi ang kahalagahan ng mabilis na paghahatid ng humanitarian aid sa Gaza.

Iginiit naman ni Mohammad Bagher Ghalibaf, parliament speaker ng Iran na dapat parusahan ang tinawag nitong “criminal regime” at para sa paghilom ng sugat na idinulot ng giyera sa mamamayan ng Palestine.

Ipinunto naman ni United Arab Emirates Foreign Minister Sheikh Abdullah bin Zayed bin Sultan Al Nahyan ang kahalagahan ng pagsunod ng Israel at hamas sa kanilang commitments para mawaksan na ang paghihirap ng mga presong Palestino at bihag na Israelis.