Target ng Department of Finance na maibenta pa ang mas marami nitong asset ngayong taon.
Ayon kay Finance Undersecretary for Privatization and Corporate affairs Catherine Fong, mas maraming asset ng pamahalaan ang tinitingnan nilang maisapribado o maibenta sa private sector ngayong taon, kumpara sa nakalipas na taon, kasabay ng pagnanais ng ahensiya na kumita sa mga nasabing transaksyon.
Noong 2022 kasi, umabot sa P1.5Billion na halaga ng asset ng pamahalaan ang naibenta sa pribadong sektor at ngayong taon ay tinitingnan nila ang doble o higit pa, kumpara sa nasabing halaga.
Kabilang sa mga nakikita nilang government property na maaaring ibenta ay ang 2.2 hectare Mile Long property sa Makati City, kasama na ang mga mining rights at porsyento sa ilang mga proyekto na pag-aari ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, patuloy na isinasagawa ng Finance department ang feasibility studies sa mga assets nito, kasama na ang valuation o pagtukoy sa halaga ng mga nasabing asset, habang inihahanda ang posibilidad ng pagbebenta sa mga ito.