-- Advertisements --

Asahan sa mga susunod na buwan ang mas marami pang control measure na ipapatayo ng Department of Agriculture upang mapigilan pa lalo ang agricultural smuggling sa bansa.

Ayon kay Agriculture Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano, ito ay kasabay ng plano ng DA na pagtatag ng mga border control facilities sa mga pangunahing port of entry sa bansa.

Ang mga naturang pantalan ay pinangangambahang ginagamit para maipuslit ang smuggled agri products.

Maalalang itinayo ng pamahalaan ang Cold Examination Facility in Agriculture (CEFA) sa Angat, Bulacan na inaasahang malapit nang mabuksan. Ang naturang pasilidad ay inaasahang magsasagawa ng mahigpit na inspection sa mga imported containerized agri-fishery commodities.

Ayon kay Savellano, katulad ding pasilidad ang nakatakdang ipatayo sa Manila International Container Port (MICP), sa Subic Bay, Cebu, at Davao.

Sa loob ng anim na buwan, inaasahan na aniya ang isasagawang bidding para sa construction o pagtatayo sa mga ito.

Sa pamamagitan ng mga naturang pasilidad, sinabi ni Savellano na magiging mas epektibo ang pag-screen sa mga pumapasok na agricultural product sa buong bansa.