MANILA – Mas maraming “rotational brownout” o salit-salitang pagkawala ng kuryente ang posibleng maranasan ng ilang bahagi ng Luzon ngayong araw ng Miyerkules, June 2.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), nasa yellow at red alert pa rin kasi ang Luzon grid dahil sa manipis na reserba ng kuryente.
Batay sa advisory ng NGCP, mararanasan ang yellow alert simula alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, alas-5:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi, at alas-11:00 hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.
Maaaring mauwi sa rotational brownout ang sitwasyon tuwing naka-yellow alert ang grid. Manipis kasi ang reserba ng kuryente tuwing ganito ang estado ng power grid.
Samantala, naka-red alert din ang Luzon grid simula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Magpapatuloy din ito simula alas-6:00 hanggang alas-11:00 ng gabi.
Kapag naka-red alert ang power grid, ibig sabihin pwedeng makaranas ng rotational blackout ang mga konsyumer.
Dulot ito ng kulang na supply ng kuryente mula sa mga power plant.
Ayon sa NGCP, may operating requirement na 11,976-megawatts ang Luzon grid ngayong araw.
Pero nasa 11,260-megawatts lang ang kapasidad ng grid. Ibig sabihin, nangangailangan pa ng 716-megawatts mula sa mga planta, para maagapan ang mga insidente ng rotational brownout at blackout.