Inaasahang mas maraming ebidensiya pa ang ihahain ng prosecution team laban kay dating Pang. Rodrigo Duterte sa mga susunod na araw.
Kahapon ay ipinasakamay na ng prosecution ang unang set ng mga ebidensiya sa International Criminal Court (ICC) at sa kampo ng dating pangulo.
Ito ay binubuo ng 181 piraso ng mga ebidensiya na nakatakdang ipresenta sa paggulong ng trial laban sa dating pangulo.
Gayunpaman, inaasahang ihahain pa ang ibang piraso ng ebidensiya sa mga susunod na araw, bago ang deadine na April 4 na itinakda ng international court.
Kinabibilangan ito ng mga written documentation, mga larawan, video, at audio recording.
Ang nalalabing ebidensiya, kasama ang posibleng mga iprepresentang testigo kung mayroon man, ay kailangang i-disclose ng prosecution team bago magpaso ang deadline na itinakda ng international court.
Batay sa polisiyang sinusunod ng naturang korte, dapat ay maagang maimpormahan ang ICC-Pre Trial Chamber I kung balak ng prosecution na humingi ng protective measure sa mga testigo at biktima na nais nitong ipresenta, kasama na ang iba pang indibidwal na maaaring maharap sa anumang banta, kung sakaling ilalabas ang kanilang pagkakakilanlan.
Samantala, mayroon namang hanggang April 11 ang kampo ng dating pangulo upang isumite ang mga counter-evidence nito. Kailangan ding impormahan ng Duterte camp ang ICC kung mayroon itong mga testigo sa nakatakdang confirmation hearing.