ILOILOCITY – Iminungkahi ni Senate Minority leader Franklin Drilon, na may mga dapat baguhin sa ipinapatupad Good Conduct Time Allowance Law (GCTA).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Senator Franklin Drilon, sinabi nito na dapat hindi lang ang Bureau of Corrections chief ang nararapat na magdesisyon sa mga bilanggo na dapat palayain.
Ayon kay Drilon kahit na nakasaad sa regulasyon na kung panghabangbuhay ang hatol dapat na ipasa sa secretary of justice ang desisyon sa aspeto ng pagpapalaya ng bilanggo, ngunit hindi pa rin ito sinunod ni dating Bucor chief Nicanor Faeldon.
Ani Drilon, nararapat na sundin ng sinuman kung ano ang mga nakalatag na regulasyon upang walang maging problema at walang mangyaring sisihan sa bandang huli.
Samantala tinawag naman niyang walang saysay ang paninisi ng MalacaƱang sa nakaraang administrasyon hinggil sa GCTA Law dahil ayon sa kanya makikita sa data na mas maraming high profile inmates ang pinakawalan ngayong administrasyon.