VIGAN CITY – Inaasahan umano ng Commission on Elections (Comelec) na mas maraming mga kabataan ngayon ang lalahok sa darating na May 13 midterm elections dahil sa pagiging aktibo nila sa social media.
Ito ay kasunod ng pahayag ng Comelec na inaasahan din nilang mas maraming overseas Filipino workers ang makikilahok sa gaganaping overseas voting sa April 13 hanggang May 13.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, inihayag ni Comelec spokesman James Jimenez na dahil sa pagiging aktibo ng mga kabataan ngayon online, lalo na sa pagpuna at pagrereport sa mga illegal campaign posters na nagkalat sa kani-kanilang mga lugar ay mas marami umanong mga kabataan ang aasahan nilang boboto sa darating na halalan.
Inamin ni Jimenez na sa ngayon ay dumarami na ang mga kabataan ngayon na namumulat sa iba’t ibang mga political activities kung kaya’t nahihikayat silang sumali sa mga ito na siya namang ikinatutuwa ng poll body.
Kaugnay nito, hinimok ng poll official ang mga kabataan na piliin nilang mabuti kung sino ang mga kandidatong sa tingin nila ay makakatulong din sa pag-unlad ng sektor ng kabataan at susuporta sa iba’t ibang mga aktibidad na makaka-develop ng kanilang mga kakayahan.