Sisimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang pagbebenta ng murang bigas sa iba pang lugar simula sa buwan ng Agosto 2024.
Una nang nagsimula ang pagbebenta ng P29/kilo na bigas sa ilang Kadiwa outlet sa bansa hanggang sa lumawak ito at umabot sa 13 outlets sa National Capital Region(NCR) at Central Luzon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., simula Agosto 1, dadagdagan pa ng sampung outlet na magbebenta ng naturang uri ng bigas, daan upang maabot ang 23 stores.
Maliban dito, mayroon aniyang tatlong probinsya ang maidadagdag sa mga listahan.
Ayon sa kalihim, unti-unti ay ilalapit ng pamahalaan ang murang bigas upang mapakinabangan ng lahat ng kwalipikadong makabili rito.
Tiniyak din ng kalihim na nananatiling sapat ang supply sa mga ito at kayang tugunan ang mga bagong outlet na bubuksan.