-- Advertisements --

Ibubuhos umano ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa ang lahat ng kaniyang pwersa sa kanilang kampanya kontra droga ngayong 2018.

Subalit magiging maingat na aniya sila nang sa gayon ay hindi na maulit ang mga insidente na naging dahilan sa pagkakasangkot ng ilang mga pulis sa kontrobersiya dahil nasingitan ng mga police scalawags.

Ayon kay Dela Rosa, aasahan ng publiko ngayong 2018 na mas marami pang mga drug personalities ang maaaresto at makukulong.

Aniya, lahat ng kanilang mga natutunan sa mga nakaraang kampanya sa war on drugs ay hindi na mauulit.

“Ibuhos ko na ito kung ano pang energy sa akin na talagang paigtingan natin ng husto ang kampanya laban sa droga but magiingat tayo ngayon dahil nga sa lessons learned natin na na-experience sa previous year na nasingitan tayo ng mga taong may masamang intention. Ingat kami dyan,” pahayag ni Dela Rosa.

Umaasa rin si Dela Rosa na mapapabilis ang procurement ng kanilang body cameras.

Layon nito na maging transparent daw sila sa kanilang kampanya sa iligal na droga at lahat ng aksiyon ay mabantayan.

Aniya, sa sandaling mabili na nila ang nasabing mga body camera at may budget ay kanila nang ipapa-bid.

At kapag nai-deliver na ay magpapalabas sila ng polisiya na bawal na ang magsasagawa ng anti-drugs operations na hindi naka-on ang mga suot na body cameras.