Mas maraming mga Pilipino ang nagpahayag ng pagtutol sa pagsasalegal ng diborsiyo sa bansa.
Base sa resulta ng Tugon ng Masa survey ng OCTA Research para sa ikalawang kwarter ng 2024 mula June 26 hanggang July 1, lumabas na 57% ng mga Pilipinong adult ang tutol na gawing legal ang diborsiyo.
Nasa 39% naman ng mga respondent ang sumuporta sa pagsasalegal ng diborsiyo, bahagyang bumaba ito ng 2% mula sa nakalipas na survey habang nasa 4% naman ang nananatiling undecided.
Pinakamataas na bilang ng mga tumutol ay sa Balance Luzon, sinundan ng Mindanao, NCR at Visayas.
Naitala naman ang mataas na bilang ng pro-divorce sa Visayas, sinundan ng National Capital Region, Mindanao at Balance Luzon.
Natuklasan din sa survey na mula sa 39% ng pro-divorce, mayorya o nasa 94% ng adult Filipinos ang naniniwala na ang mag-asawang naghiwalay na at hindi na magkakaayos pa ay dapat ng mag-divorce at payagang muling magpakasal habang 3% lang ang tutol.
Binanggit din ng OCTA na ang 95% ng pumabor sa pagsasalegal sa diborsiyo ay sang-ayon na dapat maging available ito sa mga asawang inaabuso o nakakaranas ng karahasan habang 2% lamang ang tumutol.
Sa parehong survey, naitala din na nasa 55% ng adult Filipinos ang hindi boboto sa mga kandidatong nagsusulong para sa legalisasyon ng diborsiyo kung saan karamihan ay sa Balance Luzon at Mindanao