Hindi pa rin alintana ng karamihan sa mga Overseas Filipino Workers ang tumitinding tension sa Lebanon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo De Vega, maraming mga Pinoy workers na ang nagpahayag ng kagustuhang manatili pa rin sa Lebanon sa kabila ng pagsabog ng daan-daang pagers at walkie talkies na ginagamit ng mga miyembro ng militanteng Hezbollah sa Lebanon noong Martes at Miyerkules.
Kasunod ng panibagong apela ng DFA sa mga Pinoy overseas na lumikas na o bumalik na sa Pilipinas ay mistulang buo na ang loob ng marami sa kanila para manatili sa naturang bansa.
Ayon kay De Vega, karamihan sa mga nagdedesisyong manatili roon ay mga matagal nang nagtratrabaho at nasanay na sa sitwasyon ng naturang bansa.
Gayonpaman, tiniyak ng opisyal na tutugunan ng embahada ng Pilipinas sa Lebanon ang ilan na nagnanais na ring makauwi sa Pilipinas.
Kasalukuyang nasa ilalim ng Crisis Alert Level 3 ang Lebanon at inaantay ng mga awtoridad ang go signal para itaas ang alert level matapos ang mga insidente ng pagsabog.